Paano ba maligtas ang isang makasalanan?
Maraming nagsasabi na tanggapin lang daw si Cristo sa iyong puso sa pamamagitan ng isang panalangin at dumalo sa isang ebanghelikong iglesya at magbigay ng ikapu at ayos na ang iyong kaluluwa tungo sa kaligtasan. Subalit ito ba ang itinuturo ng Biblia? Laking gulat siguro ng taong ito na gagawin ang mga naunang nabanggit subalit sa oras ng kamatayan ay kanyang masisilayan hindi ang langit sa presensya ng Diyos kundi madilim at mainit na impyerno! Malaking kahangalan pala ang kanyang sinuong at napaniwala siya sa ganitong uri ng pangangaral ng "mabuting balita." Kung tutuusin, hindi ito mabuting balita kundi isang kahindik-hindik na masamang balita!
Nais ba ninyong malaman kung paano nga maligtas ayon sa itinuturo ng Panginoong Jesu-Cristo? Narito ang mga matuwid na ebanghelyo na ipinangaral ni Apostol Pablo mula sa kanyang sulatin para sa mga taga-Roma.
- 3:9-19, Ang lahat ng tao ay may likas na pagkamakasalanan, at ang bawat isa ay mananagot sa banal na Diyos sa kanyang sariling kasalanan.
- 3:20, Walang anumang magagawa ang tao na tatanggapin ng Diyos upang mapahinuhod Siya sa Kanyang poot sa kasalanan ng tao.
- 3:23, Ang kasalanan ng lahat ng tao ay yaong hindi nila pagkaka-abot sa kaluwalhatian ng Diyos. Anumang gawin ng tao ay hindi kasing-maluwalhating katayuan ng Diyos. Laging kapos ang tao kaya't tiyak na siya'y mapapahamak.
- 3:24-25, Subalit ayon sa biyaya ng Diyos itinuturing Niyang ganap (perpekto, walang bahid ng anumang kasalanan) bilang kaloob (handog na walang bayad, hindi ayon sa anumanag magagawa ng tao) sa pagtutubos (tinubos sa pamamagitan ng kamatayan) na na kay Cristo Jesus (Anak ng Diyos na siyang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos). Ganoon lang iyon? Basahin ang susunod.
- 3:26, Ang Diyos lamang ang ganap at taga-aring ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus. Ibig sabihin, naliligtas ang tao ayon sa layon ng Diyos na siyang maykapangyarihang tawagin ang sinuman na inaring-ganap (justified, o pinawalang-sala).
Ngayon, bakit hindi ka lumapit sa Diyos sa isang mataimtim na panalangin at hingin mo sa Kanya na ikaw ay iligtas at dalhin ka ng may pananampalataya sa Kanyang Anak na si Jesu-Cristo? Aminin mo na ikaw ay isa ngang makasalanan at nakaharap ngayon sa poot ng Diyos. Magmakaawa ka at humingi ng tawad at hingin mo ang Kanyang pagpapawalang-sala ng dahil sa pagtubos ni Cristo. Kahabagan ka nawa ng Diyos.